“AKO’Y ISANG HAMAK NA
ISDA LAMANG…NGUNIT KAPAKI-PAKINABANG…”
By:
Jorge Owen E. Balitaan
Ako ay walang
kwenta...walang silbi…walang pakinabang… Dahil ako’y isa lamang may malaking
ulong kulay-pilak at walang saplot na isda. Nabubuhay ako para sa kapakanan ng
karamihan pero hindi ako kuntento. Eh, ano naman ang magagawa ko? Ito ang aking
buhay…ito ang aking tadhana…dahil ako’y isang hamak na isda lamang.
Kung nalalaman lamang ninyo ang aking nakaraan, ganyan
ang aking buhay nuon…pero ngayon, ako’y isa paring isda at mananatiling isang
isda (syempre naman). Isang isdang naghatid lang naman sa napakataas na tuktok
ng tagumpay, nang mapag-alaman at mapatunayan ng mga tao sa isang malagong
lungsod na ito na ako pala ay isang nakapapakinabangang isda.
Ako ang totoong buhay na makina na nakatira sa
napakalawak na mundo ng tubig…sa pinakailaliman ng dagat...sa mismong
pinakagitnang puso ng Sarangani Bay. Ang mga lahi ko’y patuloy na naghahatid ng
mga dolyares kay Paulino Santos at nagbibigay ng maraming pagkakakitaan sa
kanyang mga nasasakupan. At napapanatili ko ang pagtustos sa bawat malaking
pamilya ni Juan Dela Cruz. Kung wala ako at kung hindi dahil sa akin, ang
lungsod na ito ay hindi maaabot ang tugatog ng katanyagan, karangalan, at
karangyaan. Lahat ng mga namumuhunan ay hindi kusang darating at ang
palaisdaang industriya na’to ay hindi magiging kapaki-pakinabang. Sa madaling
salita, ang Lungsod ng Heneral Santos ay nananatiling maralita at sya’ng
pinakamaliit na bahagi sa dakong katimogan ng Mindanao.
Ngunit, ako ay isang tagapagtanggol…ako’y isang “Super
Gold Fin Tuna”, ang makapangyarihang tagapagsagip. Ginagampanan ko ang pinakamahalagang
tungkulin sa pagyabong at pagpalago ng lungsod na ito. Ano pa nga ba ang
masasabi ko kung sa t’wing ang lahat ng mga taong naninirahan dito ay
nagpupugay sakin ng engrandeng pagpapahalaga, mahaba-habang araw ng paghahanda
para sa isang kasiyahan at kasayahang pagbibigay parangal at paghahandog ng
pasasalamat sa aking taonang kaarawan na ipinagdiriwang kasabay ng pag-alaala
sa aking kahalagahan sa tinaguriang “Gensan’s Tuna Festival 2016”.
Ngayong taon, ang isa sa mga pinaka-prehisteryosong
kaganapan ay ang paglalatag ng aking mga kauri sa Gensan Fish Port Complex para
sa tinatawag na “Grand Fish Fest sa Fish Port”. Libu-libong mga kalahi ko ang
sinusubukang ilatag upang ipagmalaking masilayan ang aming pakinabang sa
makapangyarihang kaluwalhatian ng araw…kung saan daan-daang mga kamay ang
naghihintay at nasasabik na kami’y mapadpad sa kani-kanilang mga dalang bilao o
basket at umaasang masasagip namin sila mula sa pag-asang merong maihahain sa
hapunan para sa “Fish Port Street Party” pagsapit ng gabi. Sa pangalawang
pagkakataon, dito’y nakikita ang mga pamantayan kung bakit tayo napasama sa
isang programa na kung tawagin ay “Guinness World Record Attempt: Largest Fish
Display”… isang aktibidad na sinusubukang siyasatin ang may pinakamalaking
timbang ng isda upang maging bahagi ng “Guinness Book of World Records”.
Maraming mga programa ang inihanda para sa akin simula
Agosto 22 hanggang Setyembre 18, 2016 dahil sa pagiging masigasig ng mga
“henerals” upang lalong maging maganda ang kalalabasan ng aking taonang
kaarawan sa pamamagitan ng taos-pusong pag-aalay sa selebrasyon. Nariyan ang iba’t
ibang paligsahan tulad ng Tuna Festival Skills Olympics, Talent Showcase of the
Generals, at maraming-marami pang iba na tanging hangad lamang ay maghatid ng
walang katumbas na kasiyahan sa lahat na gustong makibahagi ng aking
pagdiriwang.
Ang ‘di malilimutang mga gabi ay nababalotan ng saya at
sigla dahil sa pag-aaliw sa “Grand Carnivals” at “Festival Market” at iba pang
makukulay na katuwaan, mga samu’t saring palabas...at ang ‘di mapantayang kanta
at sayaw na kung saan ‘di mo mapigilang makisabay sa aliw ng mga tugtogan at
yugyogan lalo pa’t hindi matawaran ang mga pagtatanghal ng mga kilalang
personalidad sa mundo ng telebisyon, pelikula at musika na gumaganap sa
entablado sa kanilang walang pagod na pakikiisa at pakikisama sa selebrasyon sa
aking “Live Band Performances”.
Gayon din ang “Tuna Fest PESO Job Fair” na naglalayong
matulongan ang bawat kapamilyang “henerals” upang makapaghanap ng maayos na
trabahong mapapasokan lalong-lalo na sa industriya ng tuna para sa
pangmatagalang pangkabuhayan. At ang natatanging engrandeng pagpupulong naman
na taun-taon ding ginaganap ay nakakatulong nang malaki sa pag-uusap at
pagpaplano ng mga aktibong opisyales ng SOCSKSARGEN Federation of Fishing and
Allied Industries, Incorporated (SFFAII) na kung saan ay pinag-iisipang mabuti
kung paano lalo pang mapalago at mapa-unlad ang aking industriya, ang “National
Tuna Congress”. Dito’y tinatalakay ang paghahanap ng mga posibleng positibo at
bagong solusyon sa mga bagay-bagay na nagiging balakid sa pag-angat ng
industriya at kung paano mapapanatili ang kasaganaan hatid ng aking biyaya na
may basbas ng mahiwagang dagat.
At ang pinakamaganda sa lahat ng mga gabi ay ang
pagrarampa ng mga binibining isa’t isang nagpamalas ng kani-kanilang natatagong
angking ganda, talentong minana, at taglay na intelektwal para sa tatanghaling
“Miss Tourism 2016” na kung saan libu-libong mga tao ang nais na makasaksi sa
ganitong patimpalak.
Ang Setyembre 5, 2016 ay ang aking pinaka-espesyal at
pinakamahalagang kaarawan at ako ang tinaguriang “Gensan’s fashion icon of the
century”. Sampu ng aking pamilya, sinasariwa ang aming iba’t ibang anyo sa
pamamagitan ng pagbuo ng mga nakakatuwang programang may kalakip na papremyo
para sa lahat gaya ng “Tuna Festival Street Dancing Competition”. At naranasan
kong mabihisan ng pinakamagaganda’t pinakamalikhaing kasuotan mula sa iba’t
ibang mahuhusay na mga alagad ng sining (artists) na naghatid naman ng
napakaraming ngiti at kasiyahan sa lahat ng mga dumalo at mga nanood sa aking
“Tuna Float Parade”.
Ngunit, ang pinakatangi-tangi sa lahat ay ang paghahain
sa akin sa mesang inilapag na punong-puno ng mga preskong bulaklak ang sya’ng
pinakamasaya at ang pinakahihintay ng lahat, ang “Sugbahan sa Dalan”. Dito’y
ako lang ang bida…ako ang pinagkaguluhang “star” dahil sa pagkakataong
matitikman na rin ang aking sarap, ang katakam-takam kong sarap kasama na ang
katas ng aking paghihirap at pagsusumikap. Pinaubaya ko sa lahat ng mga taong
yaon ang sarap ng pagpupunyagi sa pamamagitan ng paghatid ko sa kanila ng
tagumpay.
At ang pagdiriwang ng kaarawan ko ay natapos narin at
lumipas na subalit ang alaala ng aking pagdiriwang ay patuloy na nananatili sa
bawat puso ninuman. At ang katotohanang malaki ang naiambag ko sa paglago ng
Lungsod ng Heneral Santos sa kadahilanang ako’y isang kapaki-pakinabang ay
sapat na para sa akin. Masaya ako at kuntento na buo ang loob kong makita ang
Lungsod ng Heneral Santos sa pag-angat mula sa kawalan tungo sa isang
matagumpay na industriyang kilalang-kilala sa buong Pilipinas maging sa buong
sanlibutan.
Ngayong natatanaw ko na ang bunga ng aking mga
pagsisikap, isa na lang ang maaari kong sabihin…kuntento na ako! At kuntento na
rin ako sa katotohanang ang nararamdaman ko’y kailanma’y ‘di magbabago at di’
maglalaho na sa puso ko’y lagi-lagi kong mahal ang Lungsod ng Heneral Santos at
dahil alam kong mahal din ako ngayon ng buong lungsod. Maraming salamat sa
aking pagiging isang ISDA at napahalagahan ang aking pakinabang dahil sa mga
dakilang mangingisda!