Mga Pahina

Disyembre 1, 2016

“AKO’Y ISANG HAMAK NA ISDA LAMANG…NGUNIT KAPAKI-PAKINABANG…”



“AKO’Y ISANG HAMAK NA ISDA LAMANG…NGUNIT KAPAKI-PAKINABANG…”



By: Jorge Owen E. Balitaan


Ako ay walang kwenta...walang silbi…walang pakinabang… Dahil ako’y isa lamang may malaking ulong kulay-pilak at walang saplot na isda. Nabubuhay ako para sa kapakanan ng karamihan pero hindi ako kuntento. Eh, ano naman ang magagawa ko? Ito ang aking buhay…ito ang aking tadhana…dahil ako’y isang hamak na isda lamang.

Kung nalalaman lamang ninyo ang aking nakaraan, ganyan ang aking buhay nuon…pero ngayon, ako’y isa paring isda at mananatiling isang isda (syempre naman). Isang isdang naghatid lang naman sa napakataas na tuktok ng tagumpay, nang mapag-alaman at mapatunayan ng mga tao sa isang malagong lungsod na ito na ako pala ay isang nakapapakinabangang isda.

Ako ang totoong buhay na makina na nakatira sa napakalawak na mundo ng tubig…sa pinakailaliman ng dagat...sa mismong pinakagitnang puso ng Sarangani Bay. Ang mga lahi ko’y patuloy na naghahatid ng mga dolyares kay Paulino Santos at nagbibigay ng maraming pagkakakitaan sa kanyang mga nasasakupan. At napapanatili ko ang pagtustos sa bawat malaking pamilya ni Juan Dela Cruz. Kung wala ako at kung hindi dahil sa akin, ang lungsod na ito ay hindi maaabot ang tugatog ng katanyagan, karangalan, at karangyaan. Lahat ng mga namumuhunan ay hindi kusang darating at ang palaisdaang industriya na’to ay hindi magiging kapaki-pakinabang. Sa madaling salita, ang Lungsod ng Heneral Santos ay nananatiling maralita at sya’ng pinakamaliit na bahagi sa dakong katimogan ng Mindanao.

Ngunit, ako ay isang tagapagtanggol…ako’y isang “Super Gold Fin Tuna”, ang makapangyarihang tagapagsagip. Ginagampanan ko ang pinakamahalagang tungkulin sa pagyabong at pagpalago ng lungsod na ito. Ano pa nga ba ang masasabi ko kung sa t’wing ang lahat ng mga taong naninirahan dito ay nagpupugay sakin ng engrandeng pagpapahalaga, mahaba-habang araw ng paghahanda para sa isang kasiyahan at kasayahang pagbibigay parangal at paghahandog ng pasasalamat sa aking taonang kaarawan na ipinagdiriwang kasabay ng pag-alaala sa aking kahalagahan sa tinaguriang “Gensan’s Tuna Festival 2016”.

Ngayong taon, ang isa sa mga pinaka-prehisteryosong kaganapan ay ang paglalatag ng aking mga kauri sa Gensan Fish Port Complex para sa tinatawag na “Grand Fish Fest sa Fish Port”. Libu-libong mga kalahi ko ang sinusubukang ilatag upang ipagmalaking masilayan ang aming pakinabang sa makapangyarihang kaluwalhatian ng araw…kung saan daan-daang mga kamay ang naghihintay at nasasabik na kami’y mapadpad sa kani-kanilang mga dalang bilao o basket at umaasang masasagip namin sila mula sa pag-asang merong maihahain sa hapunan para sa “Fish Port Street Party” pagsapit ng gabi. Sa pangalawang pagkakataon, dito’y nakikita ang mga pamantayan kung bakit tayo napasama sa isang programa na kung tawagin ay “Guinness World Record Attempt: Largest Fish Display”… isang aktibidad na sinusubukang siyasatin ang may pinakamalaking timbang ng isda upang maging bahagi ng “Guinness Book of World Records”.

Maraming mga programa ang inihanda para sa akin simula Agosto 22 hanggang Setyembre 18, 2016 dahil sa pagiging masigasig ng mga “henerals” upang lalong maging maganda ang kalalabasan ng aking taonang kaarawan sa pamamagitan ng taos-pusong pag-aalay sa selebrasyon. Nariyan ang iba’t ibang paligsahan tulad ng Tuna Festival Skills Olympics, Talent Showcase of the Generals, at maraming-marami pang iba na tanging hangad lamang ay maghatid ng walang katumbas na kasiyahan sa lahat na gustong makibahagi ng aking pagdiriwang.    
Ang ‘di malilimutang mga gabi ay nababalotan ng saya at sigla dahil sa pag-aaliw sa “Grand Carnivals” at “Festival Market” at iba pang makukulay na katuwaan, mga samu’t saring palabas...at ang ‘di mapantayang kanta at sayaw na kung saan ‘di mo mapigilang makisabay sa aliw ng mga tugtogan at yugyogan lalo pa’t hindi matawaran ang mga pagtatanghal ng mga kilalang personalidad sa mundo ng telebisyon, pelikula at musika na gumaganap sa entablado sa kanilang walang pagod na pakikiisa at pakikisama sa selebrasyon sa aking “Live Band Performances”.

Gayon din ang “Tuna Fest PESO Job Fair” na naglalayong matulongan ang bawat kapamilyang “henerals” upang makapaghanap ng maayos na trabahong mapapasokan lalong-lalo na sa industriya ng tuna para sa pangmatagalang pangkabuhayan. At ang natatanging engrandeng pagpupulong naman na taun-taon ding ginaganap ay nakakatulong nang malaki sa pag-uusap at pagpaplano ng mga aktibong opisyales ng SOCSKSARGEN Federation of Fishing and Allied Industries, Incorporated (SFFAII) na kung saan ay pinag-iisipang mabuti kung paano lalo pang mapalago at mapa-unlad ang aking industriya, ang “National Tuna Congress”. Dito’y tinatalakay ang paghahanap ng mga posibleng positibo at bagong solusyon sa mga bagay-bagay na nagiging balakid sa pag-angat ng industriya at kung paano mapapanatili ang kasaganaan hatid ng aking biyaya na may basbas ng mahiwagang dagat.   

At ang pinakamaganda sa lahat ng mga gabi ay ang pagrarampa ng mga binibining isa’t isang nagpamalas ng kani-kanilang natatagong angking ganda, talentong minana, at taglay na intelektwal para sa tatanghaling “Miss Tourism 2016” na kung saan libu-libong mga tao ang nais na makasaksi sa ganitong patimpalak.

Ang Setyembre 5, 2016 ay ang aking pinaka-espesyal at pinakamahalagang kaarawan at ako ang tinaguriang “Gensan’s fashion icon of the century”. Sampu ng aking pamilya, sinasariwa ang aming iba’t ibang anyo sa pamamagitan ng pagbuo ng mga nakakatuwang programang may kalakip na papremyo para sa lahat gaya ng “Tuna Festival Street Dancing Competition”. At naranasan kong mabihisan ng pinakamagaganda’t pinakamalikhaing kasuotan mula sa iba’t ibang mahuhusay na mga alagad ng sining (artists) na naghatid naman ng napakaraming ngiti at kasiyahan sa lahat ng mga dumalo at mga nanood sa aking “Tuna Float Parade”.

Ngunit, ang pinakatangi-tangi sa lahat ay ang paghahain sa akin sa mesang inilapag na punong-puno ng mga preskong bulaklak ang sya’ng pinakamasaya at ang pinakahihintay ng lahat, ang “Sugbahan sa Dalan”. Dito’y ako lang ang bida…ako ang pinagkaguluhang “star” dahil sa pagkakataong matitikman na rin ang aking sarap, ang katakam-takam kong sarap kasama na ang katas ng aking paghihirap at pagsusumikap. Pinaubaya ko sa lahat ng mga taong yaon ang sarap ng pagpupunyagi sa pamamagitan ng paghatid ko sa kanila ng tagumpay.    

At ang pagdiriwang ng kaarawan ko ay natapos narin at lumipas na subalit ang alaala ng aking pagdiriwang ay patuloy na nananatili sa bawat puso ninuman. At ang katotohanang malaki ang naiambag ko sa paglago ng Lungsod ng Heneral Santos sa kadahilanang ako’y isang kapaki-pakinabang ay sapat na para sa akin. Masaya ako at kuntento na buo ang loob kong makita ang Lungsod ng Heneral Santos sa pag-angat mula sa kawalan tungo sa isang matagumpay na industriyang kilalang-kilala sa buong Pilipinas maging sa buong sanlibutan.

Ngayong natatanaw ko na ang bunga ng aking mga pagsisikap, isa na lang ang maaari kong sabihin…kuntento na ako! At kuntento na rin ako sa katotohanang ang nararamdaman ko’y kailanma’y ‘di magbabago at di’ maglalaho na sa puso ko’y lagi-lagi kong mahal ang Lungsod ng Heneral Santos at dahil alam kong mahal din ako ngayon ng buong lungsod. Maraming salamat sa aking pagiging isang ISDA at napahalagahan ang aking pakinabang dahil sa mga dakilang mangingisda!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento