Mga Pahina

Disyembre 3, 2016

SA MUNDO NG ISANG BITUIN



SA MUNDO NG ISANG BITUIN


Minsan na kita sa isang napakaganda at napakaliwanag na mundo ng aking panaginip. Napakasaya at napakalinis ng 'yong mukha. Habang patuloy kong pinagmamasdan ang angkin mong kagandahang kumikinang tulad ng mga bituing nagniningning na nasa gitna ng isang napakalawak a walang hanggang kalawakan, patuloy ring naaakit ang puso ko sayo. Para bagang diyosa ng kalangitan na nagbibigay ng tuwa at sigla sa damdamin kong nalulungkot sa t'wina.

Subalit ulad ng mga bituin sa langit na kay hirap abutin, marikit, nakakaakit, ngunit minsan nama'y malupit. 'Di ko pa rin alam kung bakit labis akong humahanga sa'yo gayong batid kong sa ibang bahagi ng mundo nakatuon ang ningning mong labis naming inaasam-asam at minimithing balang araw sana'y masisinagan rin ako ng 'yong mahiwagang liwanag. Kung sana'y makakausap lamang kita, kung sana'y mahahawakan lamang kita, kung sana'y mahuhulog ka lamang sa mga kamay ko tulad ng isang bulalakaw sa kalawakan, pipilitin ko at titiisin kong gawin ang lahat alang-alang sa lubos mong kasiyahan at pangakong aalagaan ka ng buong husay at pag-iingat.

Gayunpaman, 'di ako mag-aalinlangang pagmasdan ka parai kung ito lamang ang tanging paraan upang maging maligaya ang bawat sandali ng buhay ko. Lagi kitang paka-aabangan samuling pagbukas ng pinto ng mga ulap. 'Di ako magsasawa at mapapagod sa pagmamasid upang masilayan ko ang bawat pagningning ng iyong kariktan. Lagi kong hihintayin ang pagsapit ng marami pang mga gabi upang mui kang matanaw, makapiling at magisnan ang kagandahang iyong tinataglay. Lagi akong masasabik sa aking pagtulog 'pagkat alam kong ikaw lamang ang laman ng aking mga panaginip – masaya, makulay, mapang-akit at mapagsubok. Panaginip na nagbibigay ng katuparan sa mga pangarap kong napakahirap maintindihan. Panaginip na sa bawat araw na dumaraan ay lagi kang napapangarap kasama ng puso mo.

Muli, ako parin ay patuloy na aasa. Umaasang balang araw ay bababa ka rin mula sa'yong kinalalagyan sa kaitaas-taasan ng mga ulap. Naniniwala akong lalambot rin ang puso mo para sa isang katulad kong nangangarap lamang sa isang mahiwagang bituing 'di ko alam kung kailan tunay na kikinang sa akin. Ngunit ano paman ang mangyari, mananatili kang buhay sa aking alaala dumating man sa aking buhay ang isang napakasalimot na umaga. Pero patuloy ka paring hahangaan, pahahalagahan at iibigin hanggang sa kailan pa man. Ito'y pangako sayo sinta ko.

Pusong nagmamahal ng walang hanggan,


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento