Mga Pahina

Disyembre 1, 2016

"ANG KAPAMILYA KONG ESTRANGHERO”

"ANG KAPAMILYA KONG ESTRANGHERO”


By: Jorge Owen E. Balitaan



Ilang taon matapos akong ipanganak, nakilala ng aking ama ang isang estrangherong hindi niya kilala na bago lamang napadpad sa maliit na bahagi ng aming bayan. Mula sa umpisa pa lang, si Tatay ay nabighani na agad sa bagong dating na estrangherong ito dahil sa kanyang mga kaakit-akit na taglay at dagliang inimbitahan upang manirahan sa aming tahanan. Ang estrangherong hindi niya kilala ay agad-agad na tinanggap at naging bahagi ng aming buong pamilya.

Nang ako’y lumaki, hindi ko pinagdududahan at pinakikialaman ang kanyang lugar sa aming tahanan. Sa mura kong isipan, nagkaroon siya ng isang espesyal na lugar sa puso ng aking buong pamilya at itinuring siyang isang tunay na kapamilya. Ang aking mga magulang ay mga kahanga-hanga at maipagmamalaking nagtuturo ng mabubuting pangangaral. Tinuruan ako ni Nanay ng mga magagandang asal, aral, at kabutihan laban sa kasamaan at si Tatay naman ang nagturo sa akin ng mga magagandang halimbawa at ayon sa kanyang alituntunin ay nararapat lamang na kami ay sumunod sa patakaran ng tahanan na naaayon sa tamang paraan at itinakdang sistema. Subalit, ang estrangherong hindi kilala ang aming naging mananalaysay at tagapag-kwento sa loob ng aming tahanan. Gusto niya kaming laging napapanatiling nabibighani sa bawat oras hanggang sa pagtatapos ng mga kwento tungkol sa mga pakikipagsapalaran, misteryo at komedya.

Kung nanaisin kong malaman ang kahit na anumang bagay tungkol sa pulitika, kasaysayan o agham, siya ay laging nakahandang magbigay at magbahagi ng kanyang mga kaalaman sapagkat alam niya ang mga kasagutan tungkol sa nakaraan, nauunawaan rin niya ang kasalukuyan at nagagawa niyang mahulaan ang mga pangyayari sa hinaharap! Naipabatid niya sa aking pamilya ang tungkol sa kauna-unahang liga sa larong basketbol. Sa kabilang dako, nagagawa niya akong pasayahin sa pamamagitan ng pagbibigay dahilan upang ako’y tumawa, at nagagawa rin niya akong paiyakin at pasigawin. Ang estrangherong hindi kilala ay hindi kailanman tumitigil sa pagsasalita at pakikipag-usap, ngunit hindi ito inaalintana ni Tatay.

Minsan, si Nanay ay tumatayo nang dahan-dahan at mahinahon mula sa pagkakaupo habang kami naman ay nananatiling walang imik sa isang tabi at masugid na pinakikinggan ang kung ano man ang bawat sasabihin ng estranghero, at agad ay pupunta sa kusina si Nanay nang mapayapa at tahimik. (Ako naman ngayo’y napag-iisip kung si Nanay ay marahil tuluyan nang nananalangin na sana’y umalis na sa bahay ang estrangherong hindi kilala).

Si Tatay ang namumuno sa aming tahanan na may ilang mga mahahalagang moral na alituntunin, prinsipyo, pananampalataya, at pananaw, ngunit ang estranghero ay hindi kailanman nadama ang obligasyong igalang ang lahat nang mga ito. Ang kabastusan, halimbawa, ay hindi pinapayagan sa aming tahanan – at hindi nagmumula sa amin, sa aming mga kaibigan o sa kahit sinumang mga bisita. Gayunpaman, ang aming matagal na panahong bisita ay lagi-lagi niyang nakukuhang tangayin kami sa salitang may “apat na titik” na para bagang sinusunog ang aking mga tainga at nagagawa niya ang mukha ng aking ama sa pamimilipit at ang aking ina nama’y sa pamumula.

Hindi kailanman pinapahintulutan ng aking Tatay ang mga liberal na paggamit ng alkohol ngunit hinihikayat sa amin ng estranghero upang subukan ang mga ito sa isang regular na batayan. Ginawa niya ang hitsura ng sigarilyo na “cool”, ang tabako na “manly”, at ang “pipe” na “fresh” upang madaling makilala.

Nakakapagsalita siya nang malaya (higit na masyadong malaya!) tungkol sa pakikipagtalik o “sex”. Ang kanyang mga opinyon at komento ay minsa’y kadalasang maingay, minsan nama’y pasaring, at sa pangkalahatan ay sobrang nakakahiya.

Alam ko na ngayon na ang simula ng aking maagang konsepto tungkol sa mga pakikipagrelasyon ay matinding naiimpluwensyahan ng estranghero. Sa bawat panahon at pagkakataon, tinatalo at nilalamangan niya ang bawat halaga ng aking mga magulang. Gayunpaman, siya ay bihira lamang pinapagalitan at pinapangaralan dahil siya’y hindi na lang pinapansin at kailanma’y hindi hinihiling na siya’y paalisin.

Higit sa tatlumpong taon na ang nakalipas mula nang ang estraherong hindi kilala ay inilipat sa aming tahanan. Siya ay nagkaroon ng karapatan sa aming pamilya at hindi na siya halos kamangha-manghang gaya nuong una pa lang. Gayunpaman, kung may pagkakataong makapamasyal kayo sa bahay ng aking mga magulang sa ngayon, makikita mo pa rin at mapapansin na siya ay laging nakaupo sa ibabaw ng todakor, naghihintay ng isang tao upang makinig sa kanya habang siya’y nagsasalita at sa tuwing siya’y nakikipag-usap at panoorin siyang gumuguhit ng mga iba’t ibang klaseng larawan.

Ang kanyang pangalan...ang tinatawag lamang namin sa kanya ay “TV”.

(Laging Tandaan: Ang laging panonood ng TV ay may KABULUHAN ngunit may kaakibat na responsibilidad at PANANAGUTAN!)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento